Bagong Batas na Nagtatakda ng Planong Aksyon sa Pagsugpo ng Tuberkulosis

Bagong Batas na Nagtatakda ng Planong Aksyon sa Pagsugpo ng Tuberkulosis

Isinulat ni Mildred Fernando-Pancho noong 11 May 2016


(Unang nailathala sa Manila Bulletin noong Abril 29, 2016)
http://www.mb.com.ph/new-law-sets-anti-tb-action-plan/

TB Stop

Nilagdaan ni Pangulong Aquino noon nakaraang Abril 26 ang Republic Act 10767 na magsisilbing Comprehensive Tuberculosis Elimination Plan Act.

Isinasaad ng batas na ang pamahalaan ay dapat magbigay ng suporta at palawigin ang pagsisikap na alisin ang Tuberculosis (TB) bilang isang suliranin sa pampublikong kalusugan sa pamamagitan ng paglalaan ng dagdag na pondo para sa pagpigil, paggamot at pagkontrol, maging ang pagkakaroon ng multi-sektoral na pamamaraan sa pagtugon sa nasabing sakit.

Ang TB ay isang nakakahawa ngunit nagagamot na sakit na dulot ng Mycobacterium tuberculosis. Ito ay naipapasa mula ng isang pasyenteng may TB sa ibang tao sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahin, at pagdura. Karaniwang naaapektuhan ng TB ang baga ngunit maaari din itong makaapekto sa buto at iba pang parte ng katawan katulad ng bato at atay.

Ang batas ay nagtatakda sa Kalihim ng Department of Health, Dr. Janette Garin, na magtatag ng Comprehensive Philippine Plan of Action to Eliminate Tuberculosis sa pakikipag-ugnayan sa mga nararapat na pampubliko at pribadong organisasyon at indibidwal.

Ang nasabing plano ay nararapat na maglaman ng tugon ng bansa sa usapin pagdating sa pagpigil, pagtuklas, paggamot, pangangalaga at suporta sa sakit ng TB. Kabilang din sa tutugunan ang mga nararapat at makabagong teknolohiya sa pagtuklas at paggamot ng sakit at ang pagbuo ng isang sistema para sa pagsusuri at pagbabantay ng mga nakalap na impormasyon at ang pagbabantay at pangangasiwa ng mga naisakatuparang aksyon at pagbabago para sa pagsawata sa TB.

Opinyon ng TB Malaya
Isinulat ni Mildred Fernando-Pancho

Sa pagbuo ng planong aksyon ng Kagawaran ng Kalusugan na inuutos ng batas na ito, bagaman walang bahagi sa batas ang direktang nagbabanggit sa nararapat na konsultasyon sa mga taong naapektuhan ng TB, kami sa TB Malaya ay naniniwala na upang matugunan ang problema at mapabuti ang sitwasyon lalo na sa usapin ng pangangalaga at suporta sa mga taong apektado ng TB, ang malawak na bilang ng key populations ay nararapat na kumatawan, marinig at maisali sa pagbuo ng mga planong ito ng bansa.

Para sa inyong karagdagang impormasyon ang buong kopya ng Republic Act 10767 ay inyong matatagpauan sa link na ito Republic Act 10767


Tags:

Comments (0)



Add New Comment: