HIV at TB: Ano'ng Kailangan Kong Gawin Upang Ikaw ay Makialam?

HIV at TB: Ano'ng Kailangan Kong Gawin Upang Ikaw ay Makialam?

Isinulat ni Mildred Fernando-Pancho noong 16 November 2015


Mildred Fernando-PanchoCagayan de Oro City - Oktubre 28, 2015, nagsagawa ang Department of Health (DOH) sa Rehiyon ng Northern Mindanao ng pulong na may temang "HIV & TB Forum -Formidable and Dauntless: Defying the Odds of HIV and TB Through Multi-Sectoral Collaborative Efforts" (Pulong Hinggil sa HIV & TB -Matatag at Walang Takot: Pagsugpo sa Posibilidad ng HIV at TB sa Pamamagitan ng Nagkakaisang Gawain ng Iba't-ibang Sektor) kung saan ako ay naimbitahan na makiisa sa programa ng araw na iyon.

Ang nasabing pagpupulong ay dinaluhan ng mga representante ng iba't-ibang munisipalidad ng nasabing rehiyon. Inihayag ni Dra. Nimfa Torrizo, direktor ng DOH sa nasabing rehiyon , ang kahalagahan ng pagsusuri sa kasalukuyang estado ng kanilang nasasakupang lugar pagdating sa usapin ng TB (Tuberculosis) at HIV (Human Immunodeficiency Virus) upang matukoy ang mga pangangailangan at kakulangan na kinakailangang maaksyunan.

Sa ibinahaging impormasyon ni Dr. Jose Gerard Belimac, Program Manager ng National HIV/STI Prevention Program, ang Pilipinas ay isa sa syam na bansa na may tumataas na insidente ng HIV na higit sa 25% mula noong taong 2000. Ang HIV ay isang sakit kung saan inaatake at pinapahina ng virus ang resistensya ng isang tao kung kaya't madali silang mahawa sa iba't-ibang klaseng impeksyon katulad ng TB. Ang TB ay isa sa karaniwang nagiging sanhi ng kamatayan ng isang taong may HIV kung kaya't maigting ang ginagawang kampanya ngayon ng DOH sa pagbabantay ng mga kaso ng HIV at TB.

Bahagi din ng programa ang panayam sa ilang indibidwal na naapektuhan ng sakit na TB at HIV. Ibinahagi ni Marvin Membreve, pasyenteng may HIV, kung paano naging mahirap para sa kanya na tanggapin sa umpisa ang kanyang sakit. Ang sabi nya, "Hindi katulad ng TB na nagagamot, mahirap tanggapin ang sakit na HIV kasi wala pang gamot para dito. Habang buhay kailangan mong uminom ng anti-retroviral (ARV) drugs pero hindi mawawala sa katawan mo ang virus."

Si Remegio Sevilla naman, 54 na taong gulang, isang Multidrug-resistant TB (MDR-TB) survivor na tumanggap ng gamutan sa Xavier University - Community Health Care Center PMDT treatment facility at naideklarang magaling nitong Enero ng kasalukuyang taon, ay ginamit ang kanyang pamilya bilang inspirasyon sa kanyang gamutan. Aniya, "Gusto kong gumaling. Kahit wala akong anak, nagpagamot ako dahil gusto kong gumaling. Mahal ko ang asawa ko. Palagi syang nasa isip ko. Iniisip ko, kung mawala ako, paano sya."Mildred Fernando-Pancho

Nang hingan ako ng mensahe na nais kong iwan sa mga pasyenteng kasalukuyang sumasailalim sa gamutan para sa MDR-TB, ang sabi ko, "Ang labing-walong buwan na gamutan sa MDR-TB ay maiksi at maliiit lamang na bahagi ng buhay nyo kumpara sa maraming taon na madadagdag sa buhay ninyo kung magpapagamot kayo ng inyong sakit. Pagkatapos nyo ng gamutan sa MDR-TB at pag galing nyo sa inyong sakit, lahat magagawa nyo ulit."

Sa huling bahagi ng programa ay kinapanayam naman ang mga representante ng iba't ibang organisasyon na nakikiisa at sumusoporta sa program ng DOH para sa TB at HIV na kinabibilangan ng Philippine Business for Social Progress (PBSP), Philippine Coalition Against Tuberculosis (PhilCAT), Misamis Oriental Cagayan de Oro AIDS Network (MOCAN) at Alliance Against AIDS Mindanao (Alagad Mindanao).

Ayon kay Ronald Matitu, tagapagsalita mula sa PBSP, isa sa mga kinakaharap nilang pagsubok ay ang nakaambang pagpapalit ng mga nakaupong opisyal sa mga Local Government Units (LGUs) na syang idudulot ng gagawing halalan sa susunod na taon. Aniya, "Ang panawagan namin sa iba pang katulong namin sa implementasyon ng programa na syang mananatili sa posisyon ay sana, i-endorso nila ang programa sa sinumang bagong mahahalal na pinuno ng bayan ng sagayon hindi masayang ang mga magagandang gawain na ating nasimulan."

Ang pangwakas na mensahe naman ni Amelia Sarmiento, Executive Director ng PhilCAT ay, "Ang sa akin, ay isali natin ang KAP (Key Affected Population) sa programa. Bigyan natin sila ng mas malakas na boses dahil higit kanino man, sila ang makakapagsabi ng kung ano ang nais at kailangan nila sa kanilang gamutan."

Habang bumababa ang kaso ng tuberculosis sa bansa, patuloy naman ang pagtaas ng kaso ng HIV. Ang patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV ay nag-aamba ng pag-akyat sa bilang ng kaso ng TB. Ang posibilidad ng isang taong positibo sa HIV na magkaroon din ng sakit na TB ay mataas dahil sa kanilang mahinang resistensya.

Mildred Fernando-Pancho

Walang limitasyon ang pagkakaroon ng TB. Bata man o matanda, lalaki man o babae, mahirap man o mayaman, lahat ay maaaring magkaroon ng sakit na TB. Maging mga dating pasyente na gumaling na sa TB ay maaaring magkaroon muli nito. Kung hindi pa sapat para sa iyo ang katotohanan na walang pinipili ang sakit na TB, ano pa ang higit na mabigat na dahilan upang ikaw ay makialam?

Sa pagtatapos ng araw na iyon, isang katotoohanan ang malinaw. Kung mayroong isang bagay ginagawa ang sakit na TB at HIV upang maging matagumpay sa pagkitil ng buhay ng isang tao, ito ay ay kanilang pagtutulungan.

Sa huli, upang maging matagumpay tayo sa ating laban mula sa dalawang nakamamatay na sakit na ito, tayong lahat ay kinakailangang magtulungan ng higit sa ginagawang pagtutulungan ng HIV at TB sa pagkitil ng buhay ng mga Pilipino. Ang unang hakbang upang mangyari iyan: Lahat tayo, dapat makialam.


Tags: HIV, TB, MDR-TB, KAP, LGU, DOH

Comments (0)



Add New Comment: