Salamat sa Suporta San Lazaro Hospital

Salamat sa Suporta San Lazaro Hospital

Isinulat ni Mildred Fernando-Pancho noong 28 September 2015


Maynila, Pilipinas -- Sa pakikipag-ugnayan ng TB Malaya kay Dra. Marietta Solante, clinic head ng PMDT Treatment Facility ng San Lazaro Hospital, ay nabigyan kami ng pagkakataon noong Sabado, Setyembre 26, na bumisita at makausap ang mga pasyenteng may tuberculosis (TB).Mildred Fernando-Pancho

 

Katulad ng aking ginagawa sa bawat pagbisita ko sa treatment center ay ibinahagi ko ang aking karanasan sa gamutan sa sakit na XDR-TB (Extensively Drug-resistant TB). Makaraan nito ay ipinakilala ni Stuart ang proyektong TB Malaya na sinusuportahan ng Tropical Disease Foundation. Ibinahagi namin sa kanila ang mga kwentong isinusulat ng mga pasyenteng katulad nila na kasalukuyang sumasailalim sa gamutan at ipinaliwanag na ang layunin nito ay upang madagdagan pa ang kaalaman ng komunidad tungkol sa sakit na TB at drug-resistant TB.

 

Bago kami umalis ay may ilan nang nagpahayag ng interes sa pagbabahagi ng kanilang kwento. Isa sa kanila ay nagpadala ng mensahe sa akin sa Facebook. Ang sabi nya, "Ma'am thank you po sa inspiring message nyo kanina sa amin together with your hubby. Gumaan po yung pakiramdam ko. Thank you Ma'am, sobrang nag-iba po pananaw ko after I've heard your story kaya pagdating ko agad dito sa house, sight ko agad yung page and net (website) ng TB Malaya,  I am almost (about) to give up..."

 

Isa sa mga walang katumbas na saya ang pasalamatan ka ng isang tao dahil sa naging inspirasyon nila ang kwento mo upang magpatuloy sa kanilang laban sa sakit na TB.  Para sa akin, responsibilidad ko bilang dating TB patient ang ibahagi ang kwento ko lalo na kung ang makikinabang dito ay ang mga pasyenteng kasalukuyang pinagdaraanan ang mga napagdaanan ko. 

 

Sa lahat ng mga pasyenteng nagbabahagi, magbabahagi at nais magbahagi ng kanilang kwento, isang taos pusong pasasalamat sa pagyakap nyo sa inyong responsibilidad bilang TB patient.  

Mildred Fernando-Pancho


Comments (0)



Add New Comment: