Ang Pagsubok

Ang Pagsubok

Isinulat ni Julian Medalla noong 4 February 2016


Ako po si Julian Medalla, mas kilala bilang "Jules". Ako po ay edad dalawampu't isa, estudyante po mula sa Unibersidad ng Pilipinas, kasulukuyan na nag-aaral doon ng kursong ekonomika. Isang taon na ang nakalipas mula ng pagsimula ko sa pagpapagaling sa DOTS sa Lung Center of the Philippines. Una akong inatake ng TB noong Hulyo ng nakaraang taon. Noong panahon na iyon, mayroon akong pinuntahan na aktibidad ng aking organisasyon. Ito ay ginanap sa Universidad ng Santo Tomas (UST) bilang pinagtambal na proyekto ng aking organisasyon at nang kasama namin na organisasyon sa uste. Dahil sa malakas na ulan, di namin kinaya na ipagpatuloy ang aktibidad kaya kami ay nagpanukala na lang ipagpaliban ang aktibidad. Bago kami tuluyang umuwi, napag-usapan namin na kumain muna dahil karamihan sa amin ay nagugutom na rin. Habang ako ay kumakain, ako ay napaubo at may naramdaman ako sa aking lalamunan. Para siyang makapal na plema na hindi madikit at tuluyan na umaakyat palabas habang ako ay ubo ng ubo. Nilabas ko ang aking panyo at tuluyan lumabas sa akin lalalmunan ang likido. Sa aking gulat, malapot na dugo ang lumabas. Agad nila ako sinugod sa hospital at ako ay maswerte na malapit lamang ang UST hospital sa kinakainan namin.

Julian MedallaIsang napakalalang lagnat ang naranasan ko sa mga sumunod na araw. Isang linggo na ang nakalipas at hindi pa rin malaman kung ano ba talaga ang sakit ko. Nakakadagdag pa sa problema ko ay nagsimula na ang pasukan at wala pa rin pagbabago sa aking kondisyon. Ang aking temperatura ay umaabot hangang 40 degrees celsius at nagsisimula ng maapektuhan ang aking pag-iisip. Umabot sa punto na ako ay nawala sa sarili dahil sa kataasan ng aking lagnat. Dahil sa stress, masama na rin ang naging epekto sa aking pamilya, kaibigan, pati na rin sa aking girlfriend. Pagkatapos ng dalawang linggo, nakumpirma na din na ang sakit ko ay TB. Bagama't natuwa kami na nalaman na ang sakit ko, nalungkot din ako dahil tuluyan na akong kailangan tumigil sa pag-aaral. Ipinainom sa akin ang first-line drugs para sa TB at tuluyan gumanda ang sitwasyon ko. Pagkatapos ng tatlong linggo, sa wakas ay nakalabas rin ako sa hospital. Bagama't tanggap ko na noong panahon na ayun na ako ay di makakapasok, mayroon dumagdag pa na masamang balita ng sumunod na linggo. Lumabas na ang resulta ng aking culture, drug-resistant pala ang strain na nakuha ko. Mula sa apat na pirasong gamot naging labing-apat na pirasong gamot ang kailangan kasama na rin ang injection. Ang aking pagkaliban sa eskwelahan ay napahaba din ng kalahating taon.

Masasabi ko na ang panahon na iyon ay ang pinakamalungkot na panahon ng buhay ko. Doon ko naramdaman sa unang pagkakataon ang seryosong depression. Bilang masayahin na tao madalas ay nakikita ko ang bright-side ng mga bagay pero sa panahon na ito ay lubos na kalungkutan talaga ang naramdaman ko. Ang nakapagpagaling lang talaga sa akin ay ang pagtulong at gabay ng aking mga pamilya, kaibigan, girlfriend pati na rin ng mga nars sa Lung Center. Ito ang unang pagkakataon na ako ay naging dependent emotionally sa ibang tao at dito ko nakita na may pagkakataon sa buhay na kailangan mo talaga ng tulong ng ibang tao. Naramdaman ko ang pagpapahalaga nila sa akin, lalo na ang aking mga magulang. Ang pinaka positibo na nadulot ng sakit ko ay ang aking pagiging mas malapit ko sa aking magulang. Naramdaman ko talaga ang pag-alaga nila sa akin sa panahon na ito. Ngayon ako ay tuluyang nagpapagaling sa Lung Center. Mahirap man uminom tuloy-tuloy naman ang aking paggaling sa TB. Napakalaking tulong din ang mga bago kong mga kakilala sa Lung Center dahil nakahanap ako ng mga karamay. Ngayon ako ay pumapasok na at tuluyan nang negative ang lumalabas sa aking sputum results. Masasabi ko ngayon na maraming pagkakataon sa buhay ay hindi natin kayang baguhin. Kailangan lang natin gawin ang lahat ng kaya natin para malampasan ang bawat hadlang sa buhay. Marami rin na pagkakataon na hindi natin kaya lampasan ito mag-isa. Kailangan natin matuto rin na maging mapagpakumbaba at tanggapin ang tulong ng ibang tao.


Comments (0)



Add New Comment: