Bilog ang Mundo

Bilog ang Mundo

Isinulat ni Tiny noong 25 August 2015


Ako si Tiny 29 na taong gulang, nars ng mga bata sa isang pribadong ospital sa Quezon City mula taong 2009. Nagsimula ako sa Pediatric Charity Ward kung saan hawak naming lahat ng klaseng batang may sakit.  Merong iba’t ibang sub-unit ang ward na ito tulad ng Isolation Room, Clean Isolation, Diarrheal Treatment Unit, Pediatric Intensive Care Unit at General Ward. Bilang isang nars masarap ang pakiramdam na alam kong nakakatulong ako sa kapwa ko lalo na sa may sakit. Bukod pa doon ay nararamdaman ko na ako ay isang mamamayanan na may naiaambag sa lipunan. Bagamat kakarampot lang ang kinikita sa trabaho ako ay nakakaipon at nakakatulong sa mga pinansyal na pangangailangan ng aking pamilya.

Story -Tiny

Mahirap ang trabaho ng isang nars sapagkat may mga araw  na halos nakatayo lang ng walong oras. May mga pagkakataong hindi makakain o makainom man lang dahil inuuna ang pangangailangan ng pasyente at ng kanilang mga kamag-anak bago ang sarili. Mayroon ding panahon na hindi makaihi dahil sa sobrang dami ng ginagawa, ngunit kahit ganoon ay hindi nito matutumbasan ang ligaya na naiibigay ng mga pasyenteng gumaling at nakauwi ng matiwasay. Naalala ko ang sinabi ng isang supervisor naming na “dalawang klase lang ng pasyente ang lalabas sa ospital at yun ay kung eto ay buhay o patay” kaya ganun na lang din ang tuwa namin kapag nakakapagpauwi at nakapagpapagaling kami ng isang pasyente. Ang simpleng pagbanggit ng “Thank You o Salamat” mula sa pasyente ay sapat na upang mapawi ang hirap na dinanas sa trabaho.

Noong taong 2013, mula sa Pediatric Pay Ward ako ay nailipat sa Pediatric Intensive Care Unit (PICU) sapagkat nangangailangan ng mga senior nurses na ilalagay sa plantilya at dahil bagong bukas pa lamang ang naturang unit. Sa unit na ito ay humahawak kami ng mga pasyente na mula sa mga bagong silang pa  lamang na sanggol hanggang labing walong taong gulang. Ang mga pasyente na inililipat aming unit ay mga kritical na pasyente, kadalasang 50-50 ang kanilang buhay kung saan ang isang paa ay halos nasa hukay na ng  kamatayan. Minsan ay hindi lang walong oras ang trabaho kundi nagiging labing anim na oras dahil sa sobrang ka-toxican (Toxic- eto ang expresyon na kung saan sobrang abala sa trabaho).

2014, dito nagsimula  ang aking kalbaryo sapagkat etong taon na eto ang panahon ng pagsibol ng aking pag-uubo ubo na kung saan merong plema na kulay dilaw or minsan ay kulay berde. Nagtungo ako sa aming Infirmary doctor at doon ako ay naresetahan ng antiobiotic. Makalipas ang isang linggo, ang pakiramdam ko ay bumuti ngunit pagdating ng ikatatlong lingo bumalik na naman ang aking sintomas kaya bumalik ako sa Infirmary upang muling magpatingin. Ang pangyayaring ito ay naulit ng tatlong beses. Iba’t ibang antibiotic ang nireseta sa  akin upang inumin. Noong buwan ng Agosto ng parehas na taon ako ay nagtungo sa Emergency Room sapagkat dumaranas ako ng hirap sa paghinga habang nagtratrabaho.  Tiningnan at ininterbyew ako ng doktor upang malaman ang kalagayan ng aking kalusugan. Pagkalipas ng ilang minuto niresetahan lang ako ng pausok o nebulizer gamit ang gamot na salbutamol. Habang pinapausukan ako, ang paghinga ko ay gumaan at tila ang pakiramdam na umiipit at dumadagan sa dibdib ko ay unti unting nawala. Makalipas ang tatlong beses na  pagpapaausok sa akin, ako ay pinayagan ng makauwi ng doktor.

Bago matapos ang buwan ng Agosto ako ay muling nagtungo sa Emergency Room pagkatapos ng trabaho dahil nanumbalik na naman ang mabigat na naramdaman ko sa aking dibdib at ang hirap ng paghinga. Pinayuhan ako ng doktor na magpa-admit sa ospital dahil  ako daw ay may asthma at kinakailangan akong maobserbahan ng doktor. Niresetahan din ng ako ng mas madaming gamot- maliban pa sa mga pausok ay mayroon ding mga antibiotics na kasama. Tinusok ang aking kamay upang makabitan ng Intravenous (IV) access. Dito dadaan ang gamot na dadaloy diretso sa aking mga ugat. Tatlong beses ako sinubukang tusukan. Pinagtutusok nila ang aking kamay na parang karne lang hanggang sa nakita ko dumaan ang aming Pedia Resident at hindi ko na pinalagpas ang sandaling iyon. Tinawag ko siya upang sa kanya na lamang magpalagay ng IV access para masigurado na magiging maayos ang paglagay nito. Hindi na kaya ng aking mga kamay na matuhog ulit ng hindi tama sa ugat. Nagkulay talong na din ang aking kamay sa pagputok ng mga ugat.

Pagkatapos akong malagyan ng IV access ay binigyan ako ng Hydrocortisone upang mabawasan ang pamamaga ng aking baga at para lumuwag ang aking paghinga. Ito ang unang pagkakataon na mabigyan ng ganitong gamot at sa hindi inaasahang pangyayari ay nagkaroon ako ng mga rashes sa braso pagkalipas ng ilang segundo pa lamang. Dali-dali akong binigyan ng Diphenhydramine upang maagapan ang iba pang maaring reaksyon ng gamot sa akin na maaring magdulot  ng hirap ng paghinga at paninikip ng dibdib, pagdami ng mga rashes, anaphylactic reaction at iba pang mga sintomas ng allerg.  Lubos akong nasaktan at napaiyak sa sobrang kirot na naramdaman ko habang dumadaloy ang Diphenhydramine sa aking mga ugat. Parang may humihiwa at naglalagare sa aking kamay. Alam kong masakit ang gamot na iyon dahil sa mga reaksyon ng aming mga naging pasyente habang nilalagyan sila nito kaya sa pagkakataon na ako naman ang naging pasyente ay dito ko lamang lubos naintindihan ang sakit na tinutukoy nila na dulot ng naturang gamot. Napayagan akong umuwi pagkalipas ng limang araw na pananatili sa ospital. Nagpahinga sa trabaho ng ilang araw pa upang hindi mabinat.

Paglipas ng isang lingo ako ay bumalik sa doktor upang mag-followup. Bumalik ulit sa dati ang pakiramdam ko. Niresetahan ulit ng gamot kagaya noong naospital ako. Sa halip na pausok, inhaler na ang pinagamit sa akin. Binanggit ko sa doktor na ako ay hindi gumaling pagkatapos kong ma-admit sa ospital.  Ang sabi ng nya normal lang daw na hindi agad manumbalik ang normal na estado ng aking paghinga dahil sa aking asthma. Nasa paligid lang din daw kasi ang nagdudulot ng atake ng aking asthma tulad ng alikabok at pabago-bagong klima.

Nagpasya akong magpatingin na lamang sa ibang doktor na espesyalista sa baga  sa ibang ospital dahil paulit-ulit lang akong bumabalik sa dati kong doktor pero wala naman akong maramdamang ginhawa. Normal maging ang chest x-ray ko noong Agosto at Nobyembre.

December ng 2014, ako ay nagtungo sa isang kilalang ospital ng gobyerno at pumunta sa espesyalistang doktor sa baga. Madaming mga laboratoryo ang pinagawa sa akin upang matukoy kung talagang ako ay may asthma o wala. Hindi malinaw at mukhang wala naman akong ganoong sakit kaya nagdesisyon ang aking doktor na isailalim ako sa isang CT-scan dahil laging normal lang ang lumalabas sa aking chest x-ray. Enero 2015, nagpaCT -scan na ako. Nabasa ko ang initial reading ng plaka ko sa monitor. Dahil nars ako,  may ideya ako na may tama ang aking baga ngunit hindi ko sigurado kung ano ang eksaktong lagay ko kaya’t  halong kaba at takot ang aking naramdaman.

Pagkalipas ng ilang araw ako ay bumalik sa laboratoryo upang makuha ang resulta ng aking CT scan. Pagkabasa ko sa resulta ako, unti-unting nabuo ang aking mga luha. Walang humpay ang pagtulo nito at tila huminto ang mundo.  Pakiramdam ko ay binaksakan ako ng langit. Habang ako’y naglalakad, parang akong lantang gulay. Ang aking mga tuhod ay nanlambot at hindi ako makalakad ng maayos. Noon akala ko sa telebisyon ko lang nakikita ang mga taong naglalakad at nanlulumo sa kanilang natuklasan at ang mga taong nakapaligid sa kanila ay mistulang parang naglaho or sadyang ang bilis ng lakad nila. Doon ko lang napatunayan na hango sa totoong buhay ang ibang teleserye. Tumawid ako nang wala sa isip ko na tingnan kung may paparating na sasakyan. Muntik na ako masagasaan. Pagkauwi ko, hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa mga tao; sa magulang ko, sa pamilya ko, sa nobyo ko, sa mga katrabaho ko, at sa mga kaibigan ko. Hiyang-hiya din ako para sa sarili ko. Naturingang nars pero may sakit na nakakahawa. Ayos  lang kung pneumonia pero Tuberculosis (TB) pa ang nakuha kong sakit . Ito ang kauna-unahang pagkakataon na may nagkasakit ng ganito sa aming pamila. Ako lang sa aking pamilya ang nagkaroon ng TB.

“Merong kasabihan na may rason at plano ang Diyos sa bawat problema na dinararanas natin at hindi daw tayo bibigyan ng Panginoon ng problemang hindi natin kayang lampasan”

Bumalik ako sa espesyalista upang ipakita ang resulta ng aking CT Scan. Niresetahan nya ako ng gamot na para sa TB na iinumin ko araw-araw tuwing umaga habang wala pang laman ang aking tyan. Bumalik ako sa sa ospital na pinagtratrabahuhan ko upang ipakita ang resulta ng aking mga laboratoryo at CT scan na ipinagawa ko sa ibang hospital. Nagulat ang lahat sa nalaman nila lalong-lalo na ang mga doktor doon sapagkat doktor pa ng ibang ospital ang nakakita ng aking sakit sa halip na dun sa ospital kung saan ako nagtratrabaho.

Ipinaalam ko sa aming chief nurse, pinuno ng Infirmary Clinic, supervisor at head nurse ang pangyayari. Nagpaalam ako na ako ay pansamantalang liliban sa trabaho upang maiwasan ang pagkahawa ng ibang tao at upang matutukan ko ang aking gamutan at ng mabilis akong gumaling. Hirap na hirap ako na tanggapin ang pangyayari sa aking buhay ngunit ganon pa man ay inisip ko na kailangan kong gumaling hindi lamang para sa akin kundi para din sa mga taong nakapaligid sa akin at sa mga taong nagmamahal sa akin. Ayaw ko din na maranasan nila ang nararanasan ko. Bilang isang nars naiintindihan ko ang kahalagahan ng pag-inom ng gamot at ang paggaling sa naturang sakit lalong-lalo na at ito ay maaring makahawa ng ibang tao.


Tags:

Comments (2)

  1. Tiny

    stuart:
    Sep 22, 2015 at 07:24 PM

    Tiny,

    Bilang isang kapwa nars naiintidihan ko na kadalasan hindi sumasagi sa ating isipan na tyo rin ay maaaring dapuan ng sakit na gaya ng TB. Pero gaya ng nabangit mo, may rason at plano ang Diyos para sa iyo kung bakit Niya hinayaan na maranasan mo ang pagkakaroon ng sakit. Alam ko na kya mo lagpasan ito at kapag nangyari iyon, siguradong ikaw ay mas mahusay nang nars dahil mas alam mo na ang damdamin ng isang pasyente. Aabangan ko ang araw na iyon at ikagagalak kong maging saksi sa isang mas mahusay na Nurse Tiny (^^,)

    Reply

    1. Tiny

      Tiny:
      Oct 05, 2015 at 07:16 PM

      Sir Stuart... salamat sa comment.. thank you.. nakakaiyak naman.. naluha ako sa message niyo sir... naiisip ko at nararamdaman ko na mas magiging mahusay ako na nars ngayon dahil sa hirap na pinagdadaanan ko bilang isang nars na ngayon ay pasyente. Mas lubos ko nang naiintindihan ang nararamdaman ng mga pasyente ngayon kumpara noon nung ako'y wala pang sakit.

      Reply



Add New Comment: