Dedikasyon ng pasasalamat

Dedikasyon ng pasasalamat

Isinulat ni Aldrin Melbourne T. Gerasol noong 22 September 2015


Mapayapang araw sa lahat, isang mabuting balita ang dumating sa akin noong Agosto 24, 2015. Isang salita na labing walong buwan kong pinaka-aabangan. Tila nahugot ang isang tinik sa aking pagod na katawan at isipan nang sabihin sa akin na tapos na ang aking laban bilang pasyente ng DR-TB (drug-resistant tuberculosis). Tulad ng mandirigmang nawalay sa pamilya at ngayo'y nagwagi sa digmaan, ako ay sabik na umuwi sa aking tahanan. Walang takot sa dibdib na baka ang mga mahal ko ay mahawaan.

Nais ko sanang idedika ang aking ilalathala ngayon sa pagpapasalamat sa mga tao na sa likod ng aking kahinaan ay naging dahilan ng pagtuloy kong paglaban.Aldrin Melbourne T. Gerasol

Bilang isang simpleng tao na tulad ng lahat ay may mga pangarap na nais abutin, na sa kasamaang palad ay sinubok at hindalangan ng Tuberculosis, subalit sa tulong ng lahat, ngayon ay malaya na...hayaan niyong maging tanda ito ng aking walang humpay na pasasalamat.

Unang-una sa aking pamilya sa pag-unawa sa akin noong magsimula ako sa gamutan. Salamat at patawad kung binitawan ko bigla sa inyo ang mga gawain at responsibilidad ko sa pamilya natin. Sa aking ina na siya ring tunay na pinanggagalingan ng aking lakas at siya ring aking inspirasyon, nakatanim sa aking puso kung gaano mo kami kamahal. Kung paano mo kami iginapang sa mapaglarong buhay kahit na nahihirapan ka na hanggang sa tuluyang mapagod ang iyong katawan at bumigay ang iyong isipan. Patawad at salamat Ma. Tumila man o hindi ang aming luha ay patuloy na uusbong ang bagong pag-asa. Para sa inyo hindi ako susuko. Hanggang sa araw na gumaling ka, kaya natin ito Ma.

Nagpapasalamat din ako ng sobrang-sobra sa Lung Center of the Philippines na naging eskwelahan ko at parang naging tahanan na rin naming mga pasyente. Sa lahat ng mabubuting doktor, nars at staff nito na nangangalaga sa aming kalusugan. Sa libreng gamot at "weekly transportation allowance at incentives" na tulong ng GLOBAL FUND sa mga pasyenteng nangangailangan. Sa "feeding program" na inihahain araw-araw galing mismo sa Dietary ng ospital (c/o NTP Budget), hindi lamang masarap siksik pa sa sustansya. At sa iba pang taong tumutulong at nais tumulong sa mga tulad naming naapektuhan ang kabuhayan gawa ng sakit na TB. Sana po ay maghari pa ang bayanihan at dumami ang taong tulad ninyo upang mawakasan at hindi na kumalat ang nakakahawang sakit. Salamat at pagpalain nawa kayo.

Sa mga kapwa ko pasyente sa PSG (Patient Support Group) at mga pasyenteng nakasama ko sa LCP, naging masaya at hindi lang puro paghihirap sa pag-inom ng gamot ang naranasan ko. Sa simpleng pakikinig lamang sa ating mga pinagdadaanan sa buhay ay napakalaking bagay na sa bawat isa dahil nailalabas natin ang ating kinikimkim sa damdamin na nagpapaluwag sa ating mga kalooban. Ipagpatuloy lang natin ang ating magandang gawain at samahan dahil tayo-tayo lang din naman ang magdadamayan at magtutulungan diyan, di ba? Napapagod man tayo dahil sa sakit na pinagdadaanan natin ngayon ay patuloy pa din tayong maging matatag para makatulong sa iba, kaya mabuhay tayong lahat!

Gusto ko din pasalamatan yung mga taong tumulong sa akin noong naranasan ko yung tinatawag nilang "side effect" ng mga iniinom naming mga gamot. Lalo na sa tuwing mahina ang aking katawan. Simula sa malalapit kong kaibigan hanggang sa mga taong nasasalubong ko lamang sa daan. Naaawa ako sa sarili ko noon dahil damang-dama ko ang paghihina ng katawan ko pati sa paghakbang sa gutter ng kalsada at pag-akyat sa jeep ay hindi ko magawa. Kaya salamat sa inyo. Inalalayan niyo ako sa pisikal at pinansyal na kakulangan.

At ang huli at ang pinakamatindi, nais kong magpasalamat sa Siyang nagtagpi-tagpi, ang tumahi at nagdugtong-dugtong ng mga baga nating lahat. Siyang inasahan at pinagkatiwalaan ko noong oras ng matinding kadiliman. Yung panahong ako lang mag-isa, nakahiga sa banig at singkwenta lang ang pera sa bulsa na kailangang pagkasyahin hanggang makakaya. Sa loob ng bahay na bumbilya, electric fan at orasan lang ang makikita. Sa lugar na konting ulan ay baha na. Oo naranasan kong kumain na lang ng alaala para malimutan ang kumakalam na sikmura. Subalit mali pala iyong ganon. Binigyan Niyo po ako ng pagkain, tinuruang magtipid at kumita ng konting halaga, ipinakilala sa mga bagong kaibigan at mas inilapit Niyo ako sa aking pamilya. Salamat Panginoon at ipinakita Niyo sa akin ang lahat ng mga bagay na ito. Ang dating kadiliman na naging sanhi ng aking kahinaan, ngayo'y naging gabay at nagpatatag sa aking payak na buhay. Patunay na ang sakit na TB ay hindi ang wakas!

Pasasalamatan ko rin ang mga taong magbabasa at patuloy na bumabasa sa aming blog na hango sa mga kaganapan sa aming buhay na sinubok ng sakit na DR-TB. Sana ay may napulot kayong aral. Muli, maghari nawa sa bawat isa ang dakilang pag-ibig.

 

 


Comments (3)

  1. Aldrin Melbourne T. Gerasol

    Athelstane Gerasol:
    Sep 28, 2015 at 12:38 PM

    Lubos akong humahanga sa iyo Kuya, napatunayan mo sa Kanya na mahal mo ang bigay nyang buhay. Napaka galing mo. Nag papasalamat ako sa Diyos at hindi ka nya pinabayaan tulad din ng hiling ko sa Kanya araw araw. Mas naging makahulugan ang din ang gamutan ko dahil nakita ko ang tunay na Din-din na kapatid ko, na hindi sumuko sa pag subok ng ating buhay. Lahat ng bagay ay nagaganap na may makahulugang kadahilanan. Kaya natin yan, wag kang mag alala. i love you Kuya.

    Reply

    1. Aldrin Melbourne T. Gerasol

      Melbourne Tan Gerasol:
      Oct 01, 2015 at 10:45 AM

      Mahal ko din kayo, kaya nga diba ang tigas ng ulo ko dati? kahit na kailangan kong magpagamot eh mas pinili ko na lang magpaubaya para mabantayan si mama. Kaso mali pala iyon, hindi naging madali yung desisyon ko na iwan sila para unahin ang sarili ko. Oo sobrang hirap pero eto tayo, MALAYA na! Ngayon wala na tayong sakit at mas higit nating matutulungan ang bawat isa. Mag-ingat ka dyan ate.

      Reply

  2. Aldrin Melbourne T. Gerasol

    Mildred Fernando-Pancho:
    Oct 02, 2015 at 10:44 AM

    Hi Meldbourne,

    Nung nabasa ko yung unang blog mo, curious ako kung anong sakit ng mama mo and nakita ko kung gaano kahalaga sa iyo ang pamilya mo. Lalo akong humanga ng mabasa ko itong 2nd blog mo at masaya ko na sa kabila ng lahat ng pagsubok na dumatin sa'yo at sa pamilya mo ay nalampasan mo ito at ngayon ay magaling ka na. Pagpalain ka nawa ni Dyos lalo na ang mga plano mo at pangarap mo para sa'yo at sa iyong pamilya. Maraming salamat sa dedikasyon mo sa pagiging TB advocate.

    Reply



Add New Comment: