Halika, Basahin Mo Ito

Halika, Basahin Mo Ito

Isinulat ni Aldrin Melbourne T. Gerasol noong 25 January 2016


Halos hindi ko alam ang gagawin nuon at nawawalan na ako ng pag-asa. Yan ang sitwasyon ko noon ng malaman ko na muli na naman akong binalikan ng TB. Na ngayon ay mas grabe at mas mahaba ang gamutan dahil resistant na ako sa first-line drug. Kaya ganito na lang ang pagnanais ko na makatulong sa mga taong tinanggalan ng pangarap ng DR-TB. Gaya nga ng mga nauna kong kuwento sa inyo, ako noon ay halos nawalan na ng pag-asa dahil sa kaliwa't kanang problemang nakapaligid sa akin. Hindi ko alam kung paano ko su-solusyunan ang patong-patong na suliranin gayong maging ang aking kalusugan ay may problema.

Pinili kong manatili sa aming bahay noon at bantayan na lang ang aking inang may karamdaman din imbis na ipagamot ang aking sarili. Naaalala ko pa na sa tuwing magdadasal ako sa Panginoon ay puro pasasalamat lang ang sinasambit ko sa kabila ng mga pangit na pangyayaring nagaganap araw-araw. Hindi na ako humihiling ng kahit ano sa kanya dahil sabi nga nila, alam ng Panginoon ang lahat kaya sa tingin ko alam niya kung ano ang nais ko. Lumipas ang ilang buwan, patuloy pa din ang aking pananalangin subalit wala pa ring nagbabago. Malungkot at may sakit pa din ako.

Aldrin Melbourne T. GerasolTama nga talaga ang sabi nila "Faith without action is dead". Malamang na dead na talaga ako kung hindi ko ginawan ng paraan na maipagamot ang sarili ko. Dasal ka nga ng dasal wala ka namang ginagawang paraan, balewala din. Naniniwala ako na laging nandiyan ang Panginoon para tulungan tayo. Tinutulungan niya tayo sa pamamagitan ng mga oportunidad. Minsan nga lang ay masyado tayong nagpapadala at nagiging bulag dahil sa ating emosyon kaya hindi na natin ito nakikita.

Kung minsan ang oportunidad na iyon ay tulad lang ng isang phone call mula sa PMDT at nagtatanong kung kailan ako magpapagamot. Isipin mo, kung hindi ko kinuha ang oportunidad na yon ay wala ako dito. Kung swerteng hindi ako namatay eh malamang nasa bahay pa din ako. Malungkot at may sakit pa din. Kung minsan naman ang oportunidad na iyon ay parang katulad nitong blog na ito na tumatawag sa iyo ngayon upang ikaw naman ang magpagamot. Oo, ikaw na may dalawang linggong ubo at nanakit ang likod, nilalagnat sa hapon at nangangayayat, nanghihina at dumahak na ng dugo. Nagpakonsulta ka na ba sa doktor? Mahalin mo naman ang sarili mo. Libre at nagagamot ang DR-TB.

Maniwala ka sa akin. Unahin mong pagalingin ang sarili mo bago ang ibang bagay. Wag kang matakot. "God will provide" sabi nga nila. Wala ka bang tiwala sa Panginoon? Meron? Good!-Ang bagay na pumipigil na lang sa'yo ay ang sarili mo. Wag kang mahiya dahil buhay mo ang nakataya. Isang payo na lang kaibigan, "Huwag kang susuko ng walang ginagawang paraan dahil para din sayo yan". Magtungo ka sa pinakamalapit na health center o kaya'y magpadala ka ng mensahe sa amin. Ngayon na. Hindi bukas, hindi mamaya, ngayon na. Okay?

Hindi tayo pinababayaan ng Panginoon, patunay ang artikulo na ito na handa ka niyang tulungan. Halika na. :-)


Comments (0)



Add New Comment: